Hindi umano makaaapekto ang dating pagiging hepe ng Philippine National Police ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa pagsisikap ng mga awtoridad na ipatupad ang arrest warrant laban sa kaniya.
Ito ang tiniyak ng Philippine National Police sa gitna ng patuloy na paghahanap sa senador, na nahaharap sa warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong crimes against humanity na nag-ugat sa war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Allen Rae Co, hindi magbabago ang tungkulin ng mga pulis dahil lamang sa dating posisyon ng taong kanilang hinahanap.
Binigyang-diin ni Co na hindi personal na pagpapasya o konsiderasyong pampulitika ang magiging batayan ng kanilang operasyon.
Matatandaang hinamon ng Malacañang ang liderato ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at PNP na tiyaking hindi magiging hadlang sa pag-aresto kay Dela Rosa ang dating posisyon nito bilang hepe ng pambansang pulisya.
Patuloy naman ang pagtanggap at pag-verify ng PNP sa mga impormasyong may kaugnayan sa kinaroroonan ni Dela Rosa sa pamamagitan ng mga hotline nito.
Nananatili rin ang mga tracker team na nakatalaga sa buong bansa upang matukoy ang kinaroroonan ng senador at maipatupad ang warrant of arrest laban sa kaniya.














