-- Advertisements --

Kinuwestiyon ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang umano’y hindi pagkakatugma ng paninindigan ng China sa international law, partikular sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.

Ayon kay Teodoro, nagpahayag ang Beijing ng suporta sa UNCLOS at mapayapang pagresolba ng mga sigalot sa katatapos na ASEAN Defense Ministers’ Meeting-Plus o ADMM-Plus sa Cebu. Gayunman, hindi naman kinikilala ng China ang 2016 arbitral ruling na nagpawalang-bisa sa malawak nitong pag-aangkin sa West Philippine Sea, na inilabas alinsunod sa nasabing international convention.

Itinanggi rin ni Teodoro ang alegasyon ng China na sinadya ng Pilipinas na hadlangan ang paglahok nito sa pulong at hindi maayos ang paghawak sa mga imbitasyon. Giit niya, walang ibang bansang miyembro ng ASEAN ang direktang nagpahayag sa kanya ng reklamo hinggil sa naturang usapin. Kung may alalahanin ang China, sinabi niyang dapat itong idulog sa mga miyembro ng ASEAN.

Sa kabila ng hindi pagkakaunawaan, sinabi ni Teodoro na naging matagumpay ang pulong at nagkaroon ng pag-unlad sa kooperasyong pandepensa ng mga bansang ASEAN at kanilang mga katuwang. Kabilang dito ang unang ASEAN interoperability exercise na Trident Sword, na nakatuon sa humanitarian assistance at disaster response, at ang kauna-unahang joint cooperative activity sa Subic sa ilalim ng maritime security working group ng Pilipinas at Japan.