-- Advertisements --

Para sa mga biktima ng war on drugs, mas mahalaga ang aktuwal na pag-aresto at pagsuko kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa International Criminal Court o ICC kaysa sa nakalaang 50-milyong pisong pabuya. Ayon kay lawyer Gilbert Andres, dapat gawin ng pamahalaan ang lahat ng hakbang upang maipatupad nang mapayapa ang arrest warrant laban sa senador.

Giit ni Andres, hindi dapat maging isyu ang legalidad ng pabuya dahil may batas na nagpapahintulot sa pagsuko ng isang taong iniimbestigahan ng international criminal court gaya ng ICC.

Pinangalanan ng mga prosecutor ng ICC si Sen. Dela Rosa bilang isa sa walong umano’y co-perpetrator sa kampanya kontra droga na ikinasawi ng libu-libong drug suspects at drug users noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nagtatago si Dela Rosa mula pa noong Mayo, nang tangkain ng mga awtoridad na ipatupad ang warrant of arrest ng ICC laban sa kanya kaugnay ng kasong crimes against humanity of murder.