-- Advertisements --

Pinaigting ng Department of Agriculture ang pagsusuri sa mga teknikal na dokumento matapos matukoy ang ilang maling numero sa coordinates ng mga panukalang farm-to-market road habang dinidinig ang badyet ng ahensya sa Senado.

Nilinaw ng ahensya na walo lamang sa 1,669 na talaan ang nagkaiba dahil sa simpleng pagkakamali sa pag-encode.

Nakipagpulong si Undersecretary Arrey Perez sa mga civil society group gaya ng People’s Budget Coalition at BistoProyekto upang ayusin ang usapin.

Nagkasundo ang magkabilang panig na patibayin ang internal review at independent validation upang matiyak ang katumpakan ng mga susunod na ulat.

Samantala, umusad na rin ang imbestigasyon sa mga ghost project mula sa mga nakaraang taon bago ang panunungkulan ni Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Personal na naghain ng reklamo ang kalihim kaya nagpatupad ang Office of the Ombudsman ng preventive suspension sa ilang opisyal ng DPWH at kontratista dahil sa P94 milyong anomalya sa Davao Occidental.

Binigyang-diin ni Tiu Laurel na pananagutan ng DA ang mga maling impormasyon at tinitiyak nitong mapupunta sa tamang proyekto ang pondo ng bayan.

Patuloy ang pakikipagtulungan ng ahensya sa Kongreso para palakasin ang geotagging at citizen monitoring para sa kapakanan ng mga magsasaka at mangingisda.