Inihayag ni NCRPO Spokesperson Lt. Col. Hazel Asilo sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo na nasa ‘final stage’ na ang preparasyon ng kanilang puwersa para sa nalalapit na 49th ASEAN Summit na gaganapin sa bansa sa Nobyembre 16 hanggang 18, 2026.
Kumpirmadong dadalo sa nasabing summit ang mga pangunahing lider ng 11 bansa sa ASEAN sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Bukod dito, inaasahan din ang pagdating ng mga lider mula sa dialogue partners gaya ni US President Donald Trump, pati na ang iba pang matataas na kinatawan ng mga kaalyadong bansa at international organizations.
Bilang bahagi ng pagpapatupad ng seguridad, inihayag ni Asilo na nakahanda na ang nasa 12,600 na tauhan ng pulisya na ide-deploy sa iba’t ibang mahahalagang lugar at pasilidad.
Gayunpaman, nilinaw niya na posibleng madagdagan pa ang naturang bilang ng mga tauhan depende sa magiging pangangailangan ng sitwasyon.
Bukod sa kapulisan, aasa rin ang pamunuan sa kooperasyon ng mga allied agencies at iba pang ahensya ng pamahalaan. Bagamat wala pang pinal na desisyon sa eksaktong kabuuang bilang mula sa kanila, malaki ang magiging papel nila para sa seguridad.
Kaugnay nito, nakatakdang itaas sa full alert status ang buong hanay ng kapulisan habang papalapit ang mga petsa ng pagtitipon.
Layunin ng mga naturang hakbang na matiyak ang kabuuang kaligtasan at kaayusan para sa matagumpay na pagdaraos ng 49th ASEAN Summit.















