-- Advertisements --

Nagsusulong si Senate Energy Committee Chairperson Erwin Tulfo ng pakikipagtulungan sa United Arab Emirates (UAE) para magtayo ng strategic oil storage facility na inaasahang magpapalakas sa suplay ng langis ng Pilipinas at posibleng magposisyon sa bansa bilang regional oil hub.

Sa bilateral discussions noong Oktubre 29 sa Abu Dhabi, nakipagpulong ang delegasyon ng Pilipinas, sa pangunguna ni Tulfo, sa mga kinatawan ng Abu Dhabi National Oil Company (ADNOC) upang talakayin ang planong pasilidad.

Kasama sa delegasyon sina Philippine Ambassador to the UAE Alfonso Ver at Special Envoy to the UAE for Trade and Investment Kathryna Yu-Pimentel.

Ayon kay Tulfo, makatutulong ang pagkakaroon ng strategic oil hub upang mabawasan ang epekto ng pabago-bagong presyo ng langis sa mga Pilipino, lalo na dahil limitado ang access ng bansa sa mga strategic oil storage facility.

Kaugnay nito, nagpahayag naman umano ng kahandaang makipagtulungan ang panig ng UAE, sa pangunguna ni ADNOC Chairman Sultan Ahmed Al Jaber.

Sa kasalukuyan, nagsusuplay ang ADNOC ng tinatayang 40,000 bariles ng langis kada araw sa Petron. Ayon sa delegasyon ng UAE, maaaring mapalawak pa ng planong oil hub ang suplay ng langis sa Pilipinas.

Iminungkahi rin ng ADNOC na ibahagi sa panig ng Pilipinas ang umiiral nitong kontrata para sa oil storage facility upang masuri ng pamahalaan.

Target na maisulong ang proyekto sa ikalawang quarter ng 2027, bagama’t nakasalalay pa ito sa magiging kasunduan sa lokasyon, imprastraktura, komersiyal na mga kondisyon at iskedyul ng implementasyon.

Bukod sa imbakan ng langis, layunin ding palawakin ang kooperasyon ng Pilipinas at UAE sa suplay ng krudo, pamumuhunan sa mga refinery, fuel retail networks, renewable energy at gas-to-power development.

Ayon kay Tulfo, hindi pa pinal ang mga detalye ng mas malawak na pakikipagtulungan sa enerhiya, ngunit nangako siyang itutulak ang mga susunod na pag-uusap upang maisakatuparan ang kasunduan