Naghahanda na ang Bacolod City bilang punong-abala sa inaabangang Batang Pinoy 2026 na gaganapin sa buwan ng Disyembre.
Tinatayang 35,894 na rehistradong kalahok mula sa mahigit 200 local government units (LGUs) sa buong bansa ang makikibahagi sa paligsahan. Gaganapin ang isang linggong kompetisyon sa City of Smiles mula Disyembre 12 hanggang 18.
Samantala, magsisilbing pangunahing lugar ng mga kompetisyon ang Panaad Stadium.
Inimbitahan din si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dumalo sa opening ceremony.
Inaasahang 27,763 atleta ang maglalaban-laban sa 30 iba’t ibang disiplina. Kabilang din sa mga dadalo ang 6,144 coach at 1,987 opisyal.
Naghanda rin ang lungsod ng 43 paaralan na may kabuuang 30,996 na kama para sa matutuluyan ng mga delegado.
Nangunguna naman ang taekwondo sa may pinakamaraming rehistradong atleta na may 3,327 kalahok. Sinusundan ito ng swimming na may 3,042, futsal na may 2,009, chess na may 1,582, at arnis na may 1,435 kalahok.
















