-- Advertisements --

Iginiit ni dating Integrated Bar of the Philippines president Atty. Egon Cayosa na ang mga law enforcement agency at hindi ang korte ang may kakayahang magtakda kung armado at mapanganib ang isang wanted person. Ito kay kasunod ng paglalabas ng P50-milyong pabuya para sa ikadarakip ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.

Ayon kay Cayosa, may kakayahan ang Philippine National Police na mangalap ng intelligence information tungkol sa isang wanted person at sa kinaroroonan nito, hindi tulad ng korte na walang ganitong operational capacity.

Nauna nang umapela sa Supreme Court ang mga abogado ni Dela Rosa na maglabas ng temporary restraining order upang pigilan ang pag-aresto sa senador, pagpapatupad ng P50-milyong pabuya at pagtatalaga sa kaniya bilang “armed and dangerous.” May nakabinbing arrest warrant laban kay Dela Rosa mula sa International Criminal Court.

Hinimok ni Cayosa ang Korte Suprema na agad resolbahin ang petisyon ng senador. Gayunman, sinabi niyang hangga’t walang inilalabas na TRO, maaaring magpatuloy ang pagpapatupad ng arrest warrant at ang pagbibigay ng pabuya para sa impormasyong maghahatid sa kaniyang pagkakadakip.