Pinaalalahanan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang mga biyahero ngayong Undas na agahan ang pagtungo sa mga paliparan upang maiwasan ang anumang aberaya.
Sa kasalukuyan, naka-alerto na ang 44 na commercial airports na nasa ilalim ng pamamahala ng CAAP sa buong Pilipinas, bilang preparasyon sa libu-libong biyahero na inaasahang dadagsa sa mga paliparan.
Para sa mga sasakay sa domestic flights, mas mainam, ayon sa ahensiya, na dumating sa paliparan dalawang oras bago ang nakatakdang biyahe.
Sa mga bibiyahe naman sa international flights, mainam na tatlong oras bago ang flight na nakarating na sa paliparan.
Paalala ng ahensiya sa mga biyahero, iwasang magdala ng mga bagay na maaaring maging dahilan ng pagka-antala o pipigil sa mga nakatakdang biyahe tulad ng mga ipinagbabawal dahil sa mga paliparan.
Sa ngayon, nakadeploy na ang mga standby team na maaring tumugon sa anumang emergency habang nakahanay din ang ‘passenger management logistics’ para mapigilan ang posibleng overcrowding o pagsisiksikan sa loob ng mga airport.
Dati na ring nagsagawa ng pest control operations ang CAAP para mapanatili ang maayos at malinis na mga paliparan para sa libu-libong mga pasahero.















