Naisumite na ng Judicial and Bar Council o JBC kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang listahan ng mga nominado sa pagka-Punong Mahistrado ng Korte Suprema.
Bukod sa nabanggit, naipadala na rin ngayong araw ng JBC sa pangulo ang short lists ng mga nominado naman sa pagka-Associate Justice ng hukuman.
Ito’y alinsunod sa napipintong pagreretiro ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo sa November 6, at Associate Justice Amy Lazaro-Javier sa ika-16 ng Nobyembre.
Kasama sa mga pinangalan sa short list ng nominees sa pagka-Chief Justice ay sina Supreme Court Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, Associate Justices Alfredo Caguioa, Rodil Zalameda, Japar Dimaampao, at Jose Midas Marquez.
Dalawa sa limang Senior Associate Justices ng Korte Suprema na sina Justice Ramon Hernando, at Henri Jean Inting ay nag-withdraw na tanggapin ang kanilang nominasyon.
Sa shortlist naman ng pagka-Associate Justice, kasama sa mga nominado si Court of Appeals Justice Ramon Bato Jr, Solicitor General Darlene Berberabe, Commission on Audit Chairperson Gamaliel Cordoba at iba pa.
Ang JBC, batay sa konstitusyon ay mayroon mandato na magrekomenda ng mga nominado sa presidente para sa mga bakanteng posisyon ng Hudikatura at Office of the Ombudsman.















