Inihayag ng Department of Energy (DOE) na binibigyang-prayoridad nito ang rehiyon ng Visayas sa pagpapatatag ng lokal na suplay ng kuryente upang maiwasan ang labis na pag-asa sa power import mula sa Luzon at Mindanao.
Ayon kay Electric Power Industry Management Bureau (EPIMB) Director Mario C. Marasigan, malaking hakbang ito upang hindi na umasa sa power exchange ang mga rehiyon, lalo na ngayong madalas makaranas ng yellow alert ang Visayas bunsod ng kakulangan sa reserba sa tuwing nagkakaroon ng sabay-sabay na aberya at maintenance sa mga planta.
Ipinunto rin ng opisyal na malaki ang magiging epekto ng nararanasang El Niño sa mga susunod na buwan, kung saan inaasahang bababa nang hanggang 60% ang kapasidad ng mga hydropower facility at maaapektuhan din ang solar generation ng 20 hanggang 25%.
Kasabay nito, nakikita rin ang tuloy-tuloy na pagtaas ng peak demand sa kuryente sa rehiyon na inaasahang aakyat mula sa dating 2,558 megawatts patungong 3,000 megawatts, habang tumataas din ang demand sa buong bansa.
Upang matugunan ito, ipinapatupad ang mga mabilisang solusyon, kabilang ang nakatakdang pagpasok ng 253 megawatts mula sa mga bagong battery energy storage systems (BESS) sa susunod na taon.
Bukod dito, nakalinya rin ang paglalaan ng karagdagang power barges at diesel facilities na aabot sa 273 megawatts upang madagdagan at mapatatag ang reserba ng kuryente sa rehiyon.
Inaasahan na sa pamamagitan ng mga hakbang na ito ay maiiwasan na ang madalas na alert status sa Visayas at masisiguro ang sapat at tuloy-tuloy na serbisyo ng kuryente sa mga mamamayan sa kabila ng mga hamon sa panahon.














