-- Advertisements --

Hindi napigilan ni Sen. Raffy Tulfo na mairita sa ilang opisyal ng New Ninoy Aquino International Airport Infra Corp. at Manila International Airport Authority (MIAA) dahil sa mga hindi gumaganang Closed Circuit Television (CCTV) camera sa naturang paliparan.

Sa pagdinig ng Senate Committe on Public Services, inamin ng mga opisyal mula sa MIAA at NNIC na may ilang hindi gumaganang CCTV camera.

Agad bumuwelta si Sen. Raffy na ‘useless’ at ‘inutile’ ang paglalagay ng mga naturang device na mistulang panloloko lamang sa publiko.

Nagpaliwanag naman ang airport authorities na iilan lamang ang hindi gumagana ngunit ayon kay Sen. Tulfo, hindi pa rin ito katanggap-tanggap dahil walang puwang sa anumang paliparan na kailangang mapag-iwanan at hindi mabantayan.

Inatasan din niya ang airport officials na bukas (Oct. 29) ay gumagana na ang mga CCTV, lalo na ngayong papalapit na ang Undas kung saan inaasahang muling magkukumpulan ang mga biyahero sa paliparan.

Tiyak aniyang may mga magtatanggakang mananamantala, o magnanakaw sa pagkukumpulan ng publiko, lalo na kung batid ng mga ito na hindi gumagana ang ilang CCTV camera.