-- Advertisements --

Isinusulong ni National Anti-Poverty Commission (NAPC) Secretary Manny Pacquiao ang mas pinalakas na mga programang pabahay at kabuhayan upang matiyak na may maayos na tirahan at matatag na hanapbuhay ang bawat pamilyang Pilipino.

Ito ang naging panawagan ng opisyal sa pagdalo nito sa Mindanao Development Forum 2026 sa Davao City, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga komunidad.

Ayon kay Pacquiao, batay na rin sa kanyang sariling karanasan noon, napakahirap ng araw-araw na balisa at walang katiyakan kung may makakain o matutuluyan, kaya’t layunin niyang ilayo ang mga kababayan sa gayong uri ng hirap.

Patuloy ding pinalalakas ang ugnayan ng iba’t ibang ahensya at sektor upang matiyak na abot-kamay ng taumbayan ang mga serbisyong magbibigay ng matatag na pundasyon sa pamumuhay.

Layunin ng mga isinusulong na hakbang na mabigyan ng disenteng tahanan at sapat na kita ang mga Pilipino nang sa gayon ay tuluyan silang makaahon sa kahirapan.