Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 129 para pansamantalang itaas ang Minimum Access Volume (MAV) sa importasyon ng mais. Sa bisa nito, nadagdagan ng 280,000 metric tons ang umiiral na alokasyon para umabot sa kabuuang 500,000 metric tons.
Ginawa ang hakbang na ito upang tugunan ang kakulangan sa dilaw na mais na pangunahing sangkap sa paggawa ng feeds. Layunin nitong maibsan ang epekto ng mababang ani at banta ng masasamang panahon sa agrikultura.
Malaki ang tulong nito para matiyak ang tuloy-tuloy na suplay para sa mga feed manufacturer at livestock raisers. Dahil dito, inaasahang maiiwasan ang biglang pagtaas ng presyo ng mga pagkain ng hayop.
Pangunahing layunin din ng administrasyon na mapanatili ang katatagan sa merkado at maprotektahan ang halaga ng karne.
Inatasan ang Minimum Access Volume (MAV) Management Committee na bumuo ng mga alituntunin sa loob ng 30 araw mula sa pagpapatupad nito. Kabilang dito ang patas na mekanismo sa distribusyon para sa mga lehitimong sektor.















