-- Advertisements --

Mariing iginiit ng Malacañang na patuloy na hahabulin ng mga awtoridad si Senador Bato dela Rosa kung hindi ito boluntaryong susuko sa loob ng itinakdang palugit ng pamahalaan. Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, layunin ng ibinigay na palugit na mabigyan ng pagkakataon ang senador na sumuko nang mapayapa at kusang-loob na makipagtulungan sa mga awtoridad.


Binigyang-diin ni Castro na hindi titigil ang mga awtoridad sa paghahanap kay Dela Rosa sakaling magmatigas ito at tumangging sumunod sa batas. Dagdag pa ni Castro, bilang dating miyembro ng Philippine National Police at kasalukuyang senador, dapat na si Dela Rosa ang unang nagpapakita ng paggalang at pagsunod sa batas.


Sinabi din ni Castro na hindi dapat maging inspirasyon si Dela Rosa sa iba pang indibidwal na may kinakaharap na warrant of arrest upang magtago sa halip na harapin ang proseso ng batas.


Sa ngayon, nananatiling panawagan ng Malacañang ang boluntaryong pagsuko ng senador upang maiwasan ang mas mahigpit na hakbang ng mga awtoridad.