-- Advertisements --

Ininspeksyunan ng mga awtoridad nitong Lunes, Oktubre 26, ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) bilang paghahanda sa inaasahang paglobo ng mga babyaheng komyuter sa nalalapit na Undas ngayong taon.

Siniyasat ng mga ahensiya, sa pangunguna ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Land Transportation Office (LTO) ang kundisyon ng mga pasilidad ng nasabing terminal tulad ng bus bays, at drug testing areas nito upang masigurado na nasa mabuting kalagayan ang mga pampublikong sasakyan maging ang mga magmamaneho nito.

Nagbabala naman ang mga awtoridad sa mga pasahero hinggil sa kaligtasan sa pagsakay sa mga colorum na bus at iba pang pampublikong sasakyan, kung saan patuloy na nakikipag-ugnayan ang mga ito sa pulisya upang sugpuin at harangin ang pagbyahe ng mga nasabing ‘di awtorisadong pampublikong sasakyan.

Samantala, inaasahan ng terminal na papalo sa higit 22,000 na pasahero ang babyahe sa darating na Oktubre 30 at Oktubre 31 bilang pakikibahagi ng mga ito sa Undas sa kani-kanilang mga probinsya.

Kaugnay nito, sinigurado naman ng administrasyon ng terminal na magdaragdag ito ng karagdagang byahe at upuan upang matugunan ang demand ng pagdami ng mga komyuter.