-- Advertisements --

Nananatiling naka-hold ang mga kautusan ng Sandiganbayan para sa 90-araw na preventive suspension kina Senators Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta habang hinihintay ang resolusyon sa kanilang mga mosyon para sa muling pagsasaalang-alang o motions for reconsideration.

Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, natanggap na ng Senado ang mga kautusan ng anti-graft court. Gayunman, pansamantalang ipinagpapaliban ang pagpapatupad ng suspensiyon habang hindi pa nareresolba ang mga naturang mosyon.

Dagdag ni Gatchalian, hindi muna ipatutupad ang suspensiyon kapag naihain na ang motion for reconsideration hangga’t wala pang pinal na resolusyon kaugnay nito.

Sinabi rin ng Senate President na hindi makatatanggap ng sahod sina Estrada at Marcoleta dahil sa kanilang mga pagliban sa Senado.

Matatandaang iniutos ng Fifth Division ng Sandiganbayan ang 90-araw na preventive suspension kay Estrada, na nahaharap sa kasong plunder o pandarambong kaugnay ng umano’y pagtanggap ng kickback mula sa mga kuwestiyonableng proyekto ng flood control.

Samantala, ipinag-utos naman ng Third Division ng Sandiganbayan ang kaparehong haba ng suspensiyon kay Marcoleta kaugnay ng alegasyon ng pagtanggap ng ₱75 milyon na donasyon sa kampanya noong nagsisilbi pa siyang kinatawan ng isang party-list.

Patuloy na nakasalalay sa magiging resolusyon ng Sandiganbayan sa mga mosyon ang susunod na hakbang kaugnay ng pagpapatupad ng mga kautusan ng suspensiyon.