-- Advertisements --

Ipinahayag ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero na hindi niya tatanggapin umano ang posisyon ng bise presidente sakaling mahatulang guilty sa impeachment trial at matanggal sa puwesto si Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Escudero, magkakaroon ng conflict of interest kung tatanggapin niya ang posisyon matapos makibahagi bilang isa sa mga senator-judges na magpapasya sa impeachment case laban kay Duterte.

Bagama’t wala pa umanong pormal na alok sa kaniya, sinabi ng senador na nakapagpasya na siyang tanggihan ito sakaling ialok sa hinaharap.

Sa ilalim ng Konstitusyon, kung mabakante ang posisyon ng bise presidente, maaaring magtalaga ang pangulo ng kapalit mula sa mga miyembro ng Senado at House of Representatives, alinsunod sa kinakailangang proseso at pag-apruba ng Kongreso.

Samantala, iginiit ni Escudero na nananatili siyang patas at walang kinikilingan sa pagdinig ng impeachment case laban kay Duterte. Binigyang-diin din niyang dapat ibatay sa ebidensiya, sa halip na sa mga resulta ng mga survey, ang magiging pasya ng mga senator-judges

Matapos pormal na ihinto ng prosecution ang paglalahad ng ebidensiya nito, nakatakdang simulan ng depensa ang presentasyon ng mga testigo at ebidensiya sa Nobyembre 9.

Posibleng matapos ang impeachment trial bago matapos ang taon, depende sa dami ng mga testigong ihaharap ng depensa at sa haba ng pagtatanong sa mga ito.