Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mas handa na ang Pilipinas sa epekto ng El niño ngayong mas mataas ang water level ng mga pangunahing dam kumpara sa pagsisimula ng matinding tagtuyot noong 2024.
Sinabi ng Pangulo na mas malaki ang reserba ng tubig ng bansa ngayon, na inaasahang makatutulong upang maibsan ang epekto ng matagal na tagtuyot.
Nagbabala naman ang weather bureau na maaaring umabot sa rurok bago matapos ang 2026 ang malakas hanggang napakalakas na El niño, na posibleng magpatuloy ang epekto hanggang unang kalahati ng 2027.
Inaasahang magdudulot Ito ng mas mababang pag-ulan, matagal na tagtuyot at kakulangan sa suplay ng tubig na maaaring makaapekto sa agrikultura at mga kabahayan.
Patuloy naman ang pamahalaan sa pagpapalawak ng mga pasilidad sa irigasyon at pagpapabuti ng pamamahala sa tubig.
Gayunman, nahaharap pa rin si Marcos sa batikos matapos niyang payuhan ang publiko noong oktubre 11 na bumili ng mga balde upang makapag-ipon ng tubig-ulan.
Depensa naman ng Malacañang, bahagi lamang Ito ng mas malawak na paghahanda ng pamahalaan, kabilang ang pagtuturo sa pagsala at paglilinis ng tubig.















