Nagpadala ang Department of Agriculture (DA) ng humigit-kumulang 32,000 na de-kalidad na niyog patungong Monrovia, Liberia upang magbukas ng mga bagong oportunidad sa negosyo para sa mga lokal na magsasaka.
Sa ugayan ng Abante Agri-Products Philippines Inc. at Philippine Coconut Authority (PCA) Region 11, ipinadala ang dalawang 40-footer container vans na naglalaman ng 50 metric tons ng niyog na nagkakahalaga ng USD $22,400.
Ginamitan ng Smart Reefer Technology ang pagpili at pagbibiyahe sa mga naturang produktong nanggaling sa Mindanao upang matiyak ang magandang kalidad ng mga ito.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., bukod sa pakikipagkalakalan ay gagamitin din ang mga ipinadalang niyog sa mga feeding program sa mga liblib na lugar sa Liberia bilang tulong humanitarian.
Inaasahan ng DA na ang kauna-unahang shipment na ito ay magiging daan upang makapasok ang bansa sa West African market at makapagbigay ng mas mataas na kita sa mga magsasaka.















