Inihayag ni National Irrigation Administration (NIA) Administrator Eduardo Guillen sa isang eksklusibong panayam sa Bombo Radyo na sapat ang suplay ng tubig sa mga pangunahing dam sa bansa upang tugunan ang mga nasasakupang lupain at sakahan nito sa gitna ng banta ng El Niño.
Partikular na pinangalanan ni Guillen ang Magat Dam sa Isabela na nagbibigay-tubig sa nasa 90,000 ektarya, pati na rin ang Pantabangan Dam sa Nueva Ecija na nagsisilbi sa nasa 140,000 ektarya, gayundin ang San Roque Dam sa Pangasinan.
Sa ngayon umano ay prayoridad ng NIA ang Angat Dam na pangunahing pinagkukunan ng inuming tubig sa Metro Manila, kung saan daragdagan at patataasin ng ahensya ang alokasyon ng tubig para rito.
Kasabay nito ang pagtatayo ng mga solar-powered irrigation projects at iba pang natapos nang malalaking proyekto ng pamahalaan upang mas mapalakas pa ang sistema ng patubig sa buong bansa.
Batay aniya sa kanilang masusing paghahambing sa karanasan sa mga nagdaang El Niño, mas maayos ang sitwasyon ng suplay ng tubig sa bansa ngayon.
Umabot na sa 30,000 yunit ang naipatayong solar-powered irrigation projects sa buong Pilipinas, na may kabuuang kapasidad na 100 megawatts.
Ayon sa ahensya, mas pinipili nila ang mga solar project dahil bukod sa mabilis itong gawin na tumatagal lamang ng anim na buwan hanggang isang taon, malayong mas mura rin ang halaga ng konstruksyon nito na nasa 700,000 piso bawat ektarya kumpara sa regular na dam na umaabot sa 1.6 milyong piso kada ektarya.
Mas mababa pa rito ang gastusin sa mga lugar na mayroon nang pasilidad tulad ng pumping stations, kung saan nasa 300,000 hanggang 350,000 piso lamang bawat ektarya.
Bukod dito, inihayag din ni Guillen na kung papayagan ang NIA ng pamahalaan na ibenta ang sobrang produksyon ng kuryente mula sa mga ito, tinatayang kikita ang ahensya ng 600 hanggang 800 milyong piso kada taon.















