Sinimulang tibagin ng militar ng Israel ang mga gusali ng mga Palestino sa lungsod ng Hebron sa West Bank matapos maiulat ang pagkamatay ng dalawang sundalong Israeli mula sa umano’y pamamaril ng dalawang Palestinian.
Ani ni Prime Minister Benjamin Netanyahu, “sisirain” nito ang distrito kung saan galing ang naturang mga Palestinian at aniya’y handa na rin ang Israel para sa “ekstensibong aksyon” sa nasasakupang West Bank.
Sugatan din ang tatlo pang sundalo sa isang checkpoint sa labas ng lungsod ng Hebron bago umano mapaputukan at mapatay ang dalawang nasabing Palestino.
Nitong mga nakaraang linggo lamang, naiulat naman ang pag-atake ng ilang mga extremist Jewish settlers sa isang pagtitipon ng mga Palestino para sa taunang olive harvest kung saan ilang mga Palestino ang naitalang sugatan.
Sa kabuuan, higit 96 na Palestino na ang nasawi nitong taon sa West Bank mula sa mga pag-atake ng Israel, ayon sa United Nations habang apat na Israeli naman ang patay mula sa pwersa ng mga Palestino.















