Iginiit ni Senadora Risa Hontiveros na dapat nakabatay sa pangangailangan ng mga Pilipino ang pagbibigay ng ayuda sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), at hindi sa kung sino ang kanilang kakilala o kung kanino sila inirekomenda.
Sa pagtalakay sa panukalang 2027 budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), binigyang-diin ni Hontiveros na dapat manatiling tunay na sandigan ng mga nangangailangan ang AICS, lalo na sa panahon ng krisis.
Kasabay nito, nanawagan ang senadora ng mas mahigpit na kontrol upang maiwasan ang dobleng pagtanggap ng tulong at matiyak na napupunta ang pondo sa mga kuwalipikadong benepisyaryo.
Gayunman, iginiit niyang hindi dapat maging hadlang ang digitalization sa pagkuha ng ayuda, partikular para sa mga walang bank account o cellphone, may mahinang internet connection, o kulang ang mga dokumento at rekord.
Binigyang-diin ni Hontiveros na ang tulong ng pamahalaan ay hindi dapat nakadepende sa personal na koneksiyon, kundi sa tunay na pangangailangan ng bawat Pilipino.














