Inaasahang aabot sa 1.93 milyong pasahero ang daraan sa mga pantalan sa buong bansa mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 5, kaugnay ng paggunita sa Undas.
Mas mataas ito ng 1.55% kumpara sa 1.90 milyong pasaherong naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon sa Philippine Ports Authority o PPA, nakahanda ang ahensya sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero. Gayunman, posibleng makaapekto sa bilang ng mga pasahero ang mataas na presyo ng mga bilihin at gasolina.
Sinabi ni PPA Assistant General Manager for Operations Atty. Mark Jon Palomar na kabilang sa mga dahilan ng bahagyang pagbaba ng inaasahang bilang ng mga pasahero ang pagmahal ng mga tiket at ang mas maikling panahon ng Undas break ngayong taon.
Batay sa pagtataya ng PPA, inaasahang pinakamaraming pasahero ang daraan sa Iloilo River Wharf, kasunod ang Babak Port, Batangas Port, Jordan Port at Sasa Port.
Pinapayuhan naman ng PPA ang mga pasahero na planuhin nang maaga ang kanilang biyahe.
Samantala, muling ilulunsad ng PPA sa Oktubre 24 ang Online Reservation Assistance System o ORAS upang matulungan ang mga pasaherong magplano ng kanilang biyahe ngayong Undas.
Sa pamamagitan ng ORAS, maaaring tingnan ng mga pasahero ang iskedyul ng mga barko, pumili ng oras ng biyahe at ilagay ang kinakailangang impormasyon upang makatulong na maiwasan ang mahabang pila sa mga ticketing booth sa mga piling pantalan.
Saklaw ng sistema ang mga pantalan ng Lucena, Balanacan, Calapan at Batangas.
Magtatagal naman ang bisa ng ORAS Pass hanggang dalawang oras bago ang nakatakdang biyahe, mula sa dating tatlong oras.














