-- Advertisements --

Nasa ilalim ng Alpha (Yellow) at Bravo (Orange) Alert ang 12 probinsiya sa bansa, dahil sa epekto ng Supertyphoon Rosal.

Ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG) – Central Office Disaster Information Coordinating Center (CODIX), inaasahang makakaranas ng mga serye ng pag-ulan at mga malalakas na hangin ang mga naturang lugar, dahil sa malawak na saklaw ng naturang supertyphoon.

Sa ilalim ng Alert Level Bravo, apektado rito ang probinsiya ng Batanes na maaaring makaranas ng hanggang 85 km/h na bugso ng hangin, kasama ang heavy to intense rains.

11 probinsiya naman ang pasok sa Alert Level Alpha na kinabibilangan ng Abra, Apayao, Aurora, Cagayan, Ifugao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Isabela, Kalinga, Mountain Province, at Quirino.

Ang mga naturang probinsiya ay inaasahang makakaranas ng hanggang 55 km/h na bugso ng hangin at moderate to heavy rains.

Nasasaklawan ang mga ito ng forecast track ng bagong bagyo, 780 km silangan, at 650 km kanluran, mula sa sentro nito.

Posible namang madadagdagan pa ang bilang ng mga apektadong probinsiya habang papalapit sa kalupaan ang naturang supertyphoon.