-- Advertisements --

Inihayag ng International Olympic Committee (IOC) na bubuwagin nito ang 12 permanenteng komite na nakatutok sa mga usapin tulad ng human rights at gender issues upang makatipid sa gastusin.

Sa ilalim ng ikalawang taon ng pamumuno ni IOC President Kirsty Coventry, magtatatag na lamang ang organisasyon ng mga ad hoc expert panels kapag may mga tiyak na usaping kailangang tugunan.

Dahil sa ginawang streamlining, 19 na komite na lamang ang matitira sa buong organisasyon mula sa dating mas malaking bilang.

Kabilang sa mga tuluyan nang isasara ay ang Gender Equality, Diversity and Inclusion commission, pati na rin ang Advisory Committee on Human Rights na pinamumunuan ng dating deputy president ng South Africa na si Phumzile Mlambo-Ngcuka.

Mabu-buwag din ang iba pang mga komite na nakatutok sa sustainability, technology, athletes’ entourage, at digital engagement.

Ang mga pinalitang komiteng ito ay karaniwang binubuo ng 10 hanggang 30 miyembro na taunang nagtitipon sa tanggapan ng IOC sa Lausanne, Switzerland para sa kanilang mga pagpupulong.