-- Advertisements --

Naniniwala ang Malacañang na hindi hahantong sa mistrial ang pag-withdraw ng prosekusyon sa tatlo sa apat na impeachment articles laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nabigyan ng sapat na pagkakataon ang depensa na magsagawa ng cross-examination sa mga testigo ng prosekusyon. Giit niya, hindi maituturing na mistrial ang paglilitis dahil parehong nakapaghain ng kanilang panig ang magkabilang kampo.

Sinabi rin ni Castro na hindi tumutol ang depensa sa mosyon na bawiin ang tatlong artikulo. Nauna namang nagpahayag si defense chief counsel Atty. Sheila Sison na maaaring magkaroon ng katangian ng mistrial ang proseso kung ang layunin ng pag-withdraw ay madaliin ang paglilitis at ang paghatol.

Itinanggi rin ng Palasyo na nasayang ang oras at pondo ng publiko, dahil may mga dokumento at ebidensiyang naiprisinta sa impeachment court na nakatulong umano upang maipaliwanag sa publiko ang mga alegasyon.

Matatandaang iniurong ng prosekusyon ang Articles I, III at IV na may kaugnayan sa confidential funds, bribery at grave threats. Article II na lamang, na tumatalakay sa alegasyon ng unexplained wealth, ang itutuloy laban kay Duterte.