Nagbabala ang Commission on Elections (COMELEC) sa publiko laban sa pekeng anunsyo tungkol sa umano’y pagsasagawa ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Disyembre 14, 2026.
Ayon sa COMELEC, peke ang larawang kumakalat sa internet na nagsasabing magkakaroon ng halalan sa nasabing petsa.
Nilinaw ng komisyon na hindi matutuloy ang BSKE na orihinal na nakatakda sa Nobyembre 2, kasunod ng pagpapatupad ng Republic Act No. 12326 na nagpapalawig sa termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan sa limang taon.
Sa ilalim ng batas, sa Nobyembre 13, 2028 na nakatakdang isagawa ang susunod na BSKE.
Ayon pa sa COMELEC, nananatiling umiiral ang batas dahil wala pang inilalabas na Temporary Restraining Order o TRO ang Korte Suprema laban sa pagpapatupad nito.
Dahil dito, pinayuhan ng komisyon ang publiko na tiyaking mula sa mga opisyal na website at social media account nito ang impormasyong nakukuha upang hindi na kumalat ang maling balita tungkol sa halalan.













