-- Advertisements --

Inaasahang magiging maganda at maaabot ang antas ng produksyon noong nakaraang taon sa pag-aani ng palay ngayong Oktubre at Nobyembre, ayon kay Engr. Rosendo So, Chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG).

Bagama’t maganda ang kasalukuyang ani, ipinaliliwanag ni So na hindi pa gaanong nararamdaman ang epekto ng matinding tagtuyot mula sa Super El Niño, na posibleng tumama sa susunod na cropping season mula Nobyembre hanggang Marso.

Dahil dito, pinayuhan ng pinuno ng SINAG ang mga magsasakang walang sapat na irigasyon na magtanim muna ng mga high-value crops upang mabawasan ang posibleng lugi sa kanilang kabuhayan.

Iginiit din ni So ang kahalagahan ng maagang pagbibigay ng fuel subsidy bago pa man magsimula ang panibagong planting season upang magamit agad ito sa mga pangangailangan sa bukid.

Nananatiling susi ang maagap na paghahanda at napapanahong suporta ng pamahalaan upang mapanatiling matatag ang produksyon ng pagkain sa gitna ng banta ng El Niño.