Pinag-iingat ang mga lugar malapit sa silangang bahagi ng katubigan ng bansa kung saan itinalaga ang designated drop zones kasunod ng pag-launch ng isang South Korean rocket nitong tanghali ng Miyerkules, Oktubre 7, ayon sa Philippine Space Agency (PhilSA).
Maaari kasing matagtag ang debris mula sa pag-launch ng Korea Space Launch Vehicle-II (KSLV) rocket mula sa Naro Space Center sa South Jeolla, South Korea.
Idinetalye ng ahensiya ang dalawang designated drop zones, kung saan ang unang drop zone ay nasa humigit-kumulang 387 nautical miles (NM) mula sa Santa Ana, Cagayan at 391 NM mula sa Babuyan Island.
Ang pangalawang drop zone naman ay mahahanap 213 NM mula sa Boston, Davao Oriental, 214 NM mula sa Siargao Island at Surigao del Norte. Ito rin ay 216 NM mula sa Suluan Island at Eastern Samar, at 232 NM naman mula sa San Policarpo, Eastern Samar.
Parehas ding nakapasaloob sa Manila Flight Information Region ang dalawang drop zones.
Bagama’t nilinaw ng ahensiya na hindi ito babagsak sa kalupaan ng bansa, maaari pa rin ito maging delikado para sa mga sasakyang pandagat at mga eroplano.
Dagdag pa nito, maaari ring lumutang sa mga nasbing katubigan ang mga debris at anurin sa mga nalalapit na pampang.
Inabisuhan naman ng PhilSA ang publiko na agad ipagbigay alam sa awtoridad kung sakali mang makakita ng debris ang mga lokal malapit sa itinalagang drop zones. Pinaalalahanan din ang mga ito na huwag basta lapitan o hawakan ang mga debris dahil sa mga toxic susbtances tulad ng rocket fuel.
















