Iginiit ng abogadong si Atty. Ernesto Francisco Jr. na hindi kabuuan ang ibinasura ng Korte Suprema sa petisyon kanyang inihain kamakailan.
Naniniwala ang naturang petisyuner na ang pagkakabasura sa petisyon may kaugnayan sa voting threshold ng Senate Impeachment Court ay hindi pa tumutukoy sa mismong merito nito.
Ang tangi pa lamang aniyang natatalakay sa pagkaka-dismissed ng petisyon ay ang ‘procedural aspect’ nito at hindi ang merito.
Si Atty. Francisco, dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez at Berteni Cataluña ay kapwa dumulog at naghain ng petisyon sa Korte Suprema.
Sa magkakahiwalay na petisyon, kanilang kinuwestyon ang naging interpretasyon ng Senate Impeachment Court sa kinakailangan ‘two-thirds vote’ para magkaroon ng ‘conviction’ sa isang ‘impeachment case’.
Ngunit kalauna’y agad ding ibinasura ng Kataas-taasang Hukuman ang kanilang mga petisyon dahil sa kakulangan ng legal standing at prematurity.
Kaya’t ayon kay Atty. Ernesto Francisco Jr, si Vice President Sara Duterte, respondent sa kaso, na ang kailangan maghain ng petisyon sa Korte Suprema sakaling magkaroon ng hatol ang ‘impeachment court’ gamit ang mas mababang ‘voting threshold’.
















