Iginiit ni house impeachment adviser at prosecution spokesperson Robert Ace Barbers na dapat masusing suriin ang mga ibinahaging impormasyon ni dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV tungkol sa umano’y financial transactions ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang pamilya.
Ayon kay Barbers, hindi lamang umano mga alegasyon ang inilahad ni Trillanes dahil may ilang bahagi ng financial trail na naitugma na sa government records.
Kabilang dito ang 19 na transaksiyong random na sinuri at lahat ay may katumbas na entries sa Anti-Money Laundering Council records.
Sinabi rin ni Barbers na ang impormasyon ni Trillanes ang isa sa mga dahilan kung bakit isinama siya sa orihinal na witness list ng prosecution para sa article II, na tumatalakay sa umano’y wealth, financial transactions, corporate interests at posibleng discrepancies sa SALN ni VP Sara.
Kabilang sa mga isyung binanggit ni Trillanes ang financial dealings ng ilang miyembro ng Duterte family at businessman Samuel “Sammy” Uy, gayundin ang corporate records ng Gencorp industries, Metro city chow foods at Cale88 foods corporation na iniuugnay kay Atty. Manases “Mans” Carpio.
Giit ni Barbers, hindi nawawala ang mga documentary evidence kahit Hindi na tumestigo si Trillanes.
Aniya, dapat ihambing ang mga inilantad na impormasyon sa AMLC, bank, SEC at saln records upang matukoy kung alin sa mga ito ang mapatutunayan ng opisyal na dokumento.
















