Bistado ang tinatayang ₱9.2-M halaga ng pekeng pampalasa o seasoning sa dalawang magkahiwalay na operasyon ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa General Santos City at Bulacan nitong Huwebes, Oktubre 1.
Apat na suspek ang arestado sa likod ng pamemeke kung saan unang naaresto ang dalawa sa buy-bust operation sa isang apartment sa Brgy. San Isidro, General Santos City.
Kinikilalang isang Chinese national at isang Pilipino ang nahulihang may hawak at kontrol sa pagbebenta ng umano’y counterfeit na pampalasa. Narekober sa mga ito ang 197 na kahon ng pekeng produkto na umaabot sa halagang ₱450,000.
Sa parehong araw, sunod namang sinalakay ng mga awtoridad, katuwang ang Food and Drug Administration (FDA), ang isang warehouse sa Brgy. Patubig, Marilao, Bulacan kung saan dalawang pang suspek na babae ang arestado sa pamemeke ng food seasoning.
Nasamsam ng awtoridad ang 3,066 na kahon ng umano’y trademark-infringing o counterfeited product ng isang sikat na brand ng pampalasa na may tinatayang halaga na ₱9,255,000.
Sinigurado naman ng PNP CIDG na dedikado itong pagtibayin ang mga batas laban sa pamemeke ng mga produkto at protektahan ang publiko sa panganib na nito.
Samantala, mahaharap ang mga nasasakdal sa kasong paglabag sa Republic Act No. 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines.















