Ipatutupad ng Department of Education (DepEd) ang mga bagong pamantayan para matiyak na ligtas sa kalamidad at accessible sa persons with disability o PWD ang mga bagong pampublikong paaralan sa bansa.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 022, series of 2026, magiging mandatory ang mga pasilidad tulad ng wheelchair ramps, tactile paving at PWD-friendly na palikuran.
Magsisimula ang pagpapatupad ng bagong standards sa Fiscal Year 2027 at papalitan nito ang mga naunang guidelines noong 2017 at 2021.
Itatakda rin sa 63 square meters ang standard na classroom para sa maximum na 40 estudyante, habang kailangan ding tiyakin ang maayos na bentilasyon sa loob ng silid.
Bukod dito, kailangang makayanan ng mga bagong school building ang hangin na aabot sa 340 kilometro kada oras o katumbas ng super typhoon, gayundin ang magnitude 8 na lindol.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin ng bagong standards na magkaroon ng ligtas, inclusive at maayos na learning environment para sa lahat ng mag-aaral.
















