Balanse ang pagtugon ng pamahalaan sa pangangailangan ng mga transport worker at commuters kasunod ng inaprubahang dagdag-pasahe sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa world market.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malacañang, kailangan ang fare increase upang matulungan ang mga jeepney operator at driver sa mataas na gastos sa gasolina, habang isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga pasahero.
Sinabi ni Castro na patuloy ang tulong ng pamahalaan sa mga apektadong transport worker, kabilang ang fuel subsidy.
Sa ilalim ng bagong fare increase, PhP14 na ang minimum fare sa traditional jeepney mula PhP13, habang PhP17 naman sa modern jeepney mula PhP15. May dagdag ding pasahe sa mga bus, UV Express, taxi, TNVS at point-to-point buses.
Tiniyak naman ni Castro na mananatili ang mga diskwento sa pasahe para sa estudyante, senior citizens at PWDs.
Ayon sa Palace Official, patuloy na pag-aaralan ang mga hakbang upang mabawasan ang epekto ng mataas na presyo ng langis at pasahe sa commuters.
Samantala, iginagalang ng pamahalaan ang karapatan sa mapayapang protesta at nananawagan sa mga nagpoprotesta na panatilihing maayos at mapayapa ang kanilang mga kilos.
















