-- Advertisements --

Muling nagtungo at nagsagawa ng demontrasyon ang grupong Save Bangsamoro Movement sa Korte Suprema ngayong araw. 

Ayon kay Datu Tokz Bin Abdulrahman, convenor ng kilusan, ang layon aniya nila ay manawagan sa hukuman na aksyunan nito ang nakabinbin pang petisyon. 

Hiling nila na maideklarang ‘unconstitutional’ ang Bangsamoro Autonomous Act No. 86. o BAA 86, batas nagtakda ng mga parliamentary districts sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM. 

Giit nila’y nagkaroon umano ng ‘gerrymandering’ sa pagkakahati-hati ng mga distrito sa rehiyon ng Bangsamoro. 

Kanilang kinuwestyon ang pagbabago o ‘configuration’ sa ikatlong Parliamentary District sapagkat nais mabigyan linaw kung nasunod ang panuntunan ng batas. 

Kung kaya’t nananawagan ang Save Bangsamoro Movement sa Korte Suprema na silipin ang nangyaring ‘redistricting’ kasabay ng pagdetermina sa legalidad ng ‘configuration’ ng mga distrito.