-- Advertisements --

Walang espesyal na arrangement na ipagkakaloob kay Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa pagharap niya bilang testigo sa impeachment trial ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte, ayon sa Senate Impeachment Court.

Sinabi ni impeachment court spokesperson Atty. Reginald Tongol na maaaring gamitin ni Baste ang holding room na nakalaan para sa vice president kung nais niya, habang maaari rin siyang manatili sa karaniwang lugar kung saan hinihintay ng mga testigo ang kanilang pagpapatawag sa loob ng Senado.

Ayon kay Tongol, bahagi lamang ito ng karaniwang proseso sa impeachment proceedings at hindi isang espesyal na pribilehiyo para sa alkalde.

Inatasan ng impeachment court si Mayor Duterte na humarap bilang prosecution witness sa Setyembre 28 o 29. Inaasahang tatanungin siya tungkol sa mga transaksiyon sa pagitan ng Davao City government at GenCorp Industries, isang kumpanyang idineklara ni VP Sara bilang business interest sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Inatasan din ang alkalde na magdala ng mga opisyal na rekord at kontrata mula 2020 hanggang kasalukuyan na may kaugnayan sa mga transaksiyon ng City Hall sa GenCorp at sa anumang entity na nagmamay-ari o nagpapatakbo ng sangay ng Jollibee.

Naging bahagi ng impeachment complaints laban sa vice president ang GenCorp matapos ideklara ni Sara ang kaniyang interes sa kumpanya sa kaniyang SALN.

Si Mayor Duterte ay kabilang sa mga testigong tinukoy ng House prosecution panel kaugnay ng mga alegasyon sa Article II ng impeachment complaint.