-- Advertisements --

LAOAG CITY – Inihayag ni Atty. Omar Yasser Crisostomo Sema, Member of Parliament ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na umaasa siyang magiging matagumpay ang kauna-unahang parliamentary election sa Bangsamoro region.

Ito ay sa gitna na may mga naitalang insidente ng karahasan sa ilang lugar sa Cotabato City.

Naniniwala si Atty. Sema na hindi ito dapat maging hadlang upang maisagawa ang isang maayos, malaya at mapayapang halalan.

Para sa kanya, mahalaga ang eleksyon dahil ito ang magbibigay ng pagkakataon sa mga Bangsamoro na direktang pumili ng kanilang mga kinatawan sa Parliament at makapaglatag ng direksyon para sa kanilang regional government.

Umaasa rin siya na matapos ang halalan, mapapanatili ang kapayapaan at magkakaroon ng mas magandang pagkakataon para sa development, trabaho at serbisyo para sa mga ordinaryong Bangsamoro.
Sa kabila ng mga hamon, umaasa pa si Atty. Sema na ang halalan ay magiging isang mahalagang hakbang para sa mas matatag na self-governance at pagpapatuloy ng peace process sa BARMM.