-- Advertisements --

Nananatiling bukas ang posibilidad ng pagpapatawag kay Atty. Mans Carpio para tumestigo sa Senate Impeachment Court, ayon kay House prosecutor, Rep. Terry Ridon.

Ayon sa mambabatas, maaari nilang hilingin sa korte ang posibilidad ng pagpapadala ng subpoena para kay Atty. Carpio, lalo at lumabas din aniya ang kaniyang pangalan sa pagtestigo ni Atty. Karen Batu, ang chief ng Records Division ng Office of the Ombudsman.

Katwiran ni Ridon, ‘relevant’ ang presensiya at testimoniya ni Carpio sa pagtalakay sa umano’y hindi maipaliwanag na kayamanan ng kaniyang asawang si VP Sara Duterte.

Inihalimbawa ng House prosecutor ang mga lumabas na impormasyon na may negosyo ang mag-asawa na isang salon sa Davao City.

Maaari aniyang malaman kay Atty. Carpio kung paano na ang operasyon ng naturang negosyo, kung gumagana pa ito, at kung gaano kalaki ang kinikita rito para madagdagan ang yaman ng mag-asawa.

Sa ngayon, wala pa aniyang pinal na desisyon ang panel ngunit agad din aniyang iimpormahan ng panel ang Senate Impeachment Court, kung kailangan pang ipatawag ang asawa ng nasasakdal na si VP Sara Duterte.

Sa kabila nito, magiging pandagdag na lamang aniya sa bigat ng kaso laban sa pangalawang pangulo kung ituloy mang ipasubpoena si Carpio, kasama ang posibilidad ng pagtalakay samga foreign travel ni VP Sara.