Nagbigay ulat ang Korte Suprema patungkol sa usapin may kaugnayan sa pamilya Duterte, kahapon sa isinagawang pulong balitaan.
Ayon kay Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Sue Mae Ting, nakabinbin pa rin ang ‘consolidated habeas corpus petitions’ ng mga anak ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Kataas-taasang Hukuman.
Magugunitang inihain ito nina Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte, Davao City Mayor Sebastian Duterte at Kitty Duterte upang kwestyunin ang umano’y ilegal na pagdala sa dating pangulo tungo sa International Criminal Court.
Hiling nila na maiuwi ang ama mula sa The Hague, Netherlands pabalik ng Pilipinas at hinimok ang Korte Suprema na atasan ang mga ahensiya ng gobyerno na gumawa ng aksyon maiuwi lamang si former President Duterte.
Si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nasa The Hague, Netherlands kasabay sa nagpapatuloy na proseso ng korte sa kanyang kaso.
‘Crimes against humanity’ ang kasong kinakaharap kaugnay sa implementasyon ng programang ‘War on Drugs’ sa nagdaang administrasyon.
Kung saan umani at nagdulot ng samu’t saring reaksyon at pangyayari ang programang layon sanang malabanan ang ilegal na droga sa bansa.
















