Inanunsyo ng local government unit (LGU) ng Quezon City na lumagpas na sa epidemic threshold ang bilang ng mga kaso ng leptospirosis sa lungsod.
Ang epidemic threshold ay tumutukoy sa paglagpas ng bilang ng mga kaso sa inaasahang antas para sa isang partikular na panahon.
Ayon sa mga awtoridad, nadagdagan ng 47 ang mga kaso ng leptospirosis mula Setyembre 4 hanggang 7. Umabot naman sa 47 ang naitalang nasawi dahil sa sakit. Iniuugnay ng mga awtoridad ang pagdami ng kaso sa sunod-sunod na pag-ulan at pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Kabilang sa mga lugar na nakapagtala ng mga kaso ang ilang barangay sa Commonwealth, Batasan, at Tatalon sa ikaapat na distrito ng Quezon City.
Samantala, sinabi ng local health officials na nananatiling sapat ang mga pasilidad para sa mga pasyente at wala pa umanong nararanasang kakulangan sa hospital beds. Pinapayuhan naman ang publiko na iwasang lumusong sa tubig-baha upang mabawasan ang panganib na mahawa ng leptospirosis.















