-- Advertisements --

Ibinunyag ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte na daan-daang pangalan sa listahan ng tumanggap ng confidential at intelligence funds ang walang anumang opisyal na rekord sa bansa.

Kinumpirma ni PSA Assistant National Statistician Marizza B. Grande na sa 1,992 pangalan mula sa listahan ng payees ng Office of the Vice President (OVP), humigit-kumulang 1,287 sa mga ito ang walang natagpuang record ng kapanganakan, kasal, o kamatayan sa kanilang database.

Sa detalye ng pagsusuri sa OVP funds, lumabas na 1,322 ang walang Certificate of Live Birth, 1,456 ang walang Certificate of Marriage, at 1,593 naman ang walang rekord ng Certificate of Death.

Inilahad din ng PSA ang resulta ng pagsusuri sa 677 pangalan mula naman sa listahan ng Department of Education (DepEd), kung saan 398 sa mga ito ang walang anumang sibil na rekord sa pamahalaan.

Mula sa naturang DepEd list, natuklasang 405 ang walang birth certificate, 443 ang walang marriage certificate, at 507 ang walang naitalang death certificate sa Civil Registry System.

Bukod dito, muling binigyang-diin ni Grande na “unusual” o hindi karaniwan at kapansin-pansin ang pagiging kakaiba ng ilang pangalang isinumite ng House panel kumpara sa mga karaniwang rekord ng mga mamamayan sa database ng PSA.