May kaunting ginhawa sa bayarin sa kuryente ngayong Agosto matapos ipatupad ng Meralco ang bawas-singil sa kuryente.
Ayon sa Meralco, P0.0428 kada kilowatt-hour ang ibinaba ng electricity rate ngayong buwan.
Dahil dito, ang overall rate para sa isang typical household ay magiging P14.7833 kada kilowatt-hour, mula sa P14.8261 noong Hulyo.
Para sa pamilyang kumokonsumo ng 200 kilowatt-hours kada buwan, katumbas ito ng humigit-kumulang P9 ang ibabawas sa kabuuang bill.
Pero ayon sa Meralco, mas malaki sana ang bawas kung hindi tumaas ang iba pang charges.
Malaking dahilan ng pagbaba ng singil ang P9.5-billion refund na ipinag-utos ng Energy Regulatory Commission (ERC) para sa mga customer ng Meralco.
Ayon sa Meralco, ang refund ay katumbas ng P0.5861 kada kilowatt-hour.
Para sa isang household na gumagamit ng 200 kilowatt-hours, tinatayang nasa P117 ang ibabawas sa bill dahil mismo sa refund.
Gayunpaman, tumaas naman ang ilang singil, kabilang ang ancillary service charges na nadagdagan ng P0.3024 kada kilowatt-hour.
Tumaas din ng P0.2113 kada kilowatt-hour ang taxes at iba pang charges, habang nadagdagan naman ng P0.0296 kada kilowatt-hour ang generation charge.
Ipinaliwanag ng Meralco na ang generation at transmission charges ay mga pass-through charges na ipinapasa lamang sa consumers at ibinabayad sa power suppliers at sa National Grid Corporation of the Philippines.
















