-- Advertisements --

Isang lalaki mula sa Mabalacat, Pampangga ang nakaranas ng pambihirang insidente matapos aksidenteng malunok ang wire ng kanyang braces habang kumakain ng kakanin.

Ayon kay Vincent John Jocson, naramdaman niyang nawawala na ang wire ng kanyang braces matapos siyang lumunok.

Nakaramdam din daw siya ng matinding sakit sa lalamunan na aniya’y para siyang natinik. Sinubukan niya paraw isuka ang wire at kahit anong pilit, hindi niya ito nailabas.

Agad siyang dinala sa ospital kung saan kinumpirma ng mga doktor na nalunok nga niya ang braces wire. Kinabukasan, sumailalim siya sa isang procedure kung saan gumamit ng tubo na may camera at pang-ipit ang mga doktor upang hanapin at alisin ang wire sa kanyang lalamunan.

Ayon sa mga eksperto, bihira lang ang ganitong kaso at delikado rin umano ito lalo na kung mahaba ang nalunok na wire dahil maaari itong makasugat sa loob ng katawan.

Sa kabutihang palad, matagumpay na nakuha ang halos isa’t kalahating pulgadang wire, at naka-recover si Vincent matapos manatili sa ospital ng isang gabi.

Pinayuhan din ng mga eksperto ang mga may braces na iwasan ang matitigas na pagkain at hatiin ang pagkain sa maliliit na piraso upang maiwasan ang ganitong insidente.