Tiniyak naman ng Palasyo na walang “pinapatulugan” na isyu ang administrasyong Marcos sa gitna ng sunod-sunod na hamong kinakaharap ng bansa, kabilang ang krisis sa enerhiya at ekonomiya.
Binigyang-diin ni USec. Claire Castro na bagaman prayoridad sa ngayon ang pag-alalay sa publiko laban sa epekto ng gulo sa Middle East, lahat ng usaping nakalatag ay sabay-sabay na binibigyang-atensyon ng Pangulo.
Nang tanungin tungkol sa konkretong garantiya para sa mga Pilipino, sinabi ni Castro na ang dedikasyon sa trabaho ng Pangulo at ang wastong paggamit ng pondo ang nagsisilbing seguridad ng publiko.
Ang pahayag na ito ay kasunod ng mga serye ng hakbang ng Palasyo upang masiguro ang suplay ng pagkain at langis sa bansa.
Bukod kasi sa isyung pang-ekonomiya, sinimulan na rin ng Kamara ang mini trial sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.















