Tinutulan ni US President Donald Trump ang plano ng Israel na patayin ang Supreme leader ng Iran na si Ayatollah Ali Khamenei ayon sa mga opisyal ng Amerika.
Ito ay sa gitna ng nagpapatuloy na serye ng palitan ng mga pag-atake sa pagitan ng Israel at Iran.
Mas pinipili aniya ngayon ng US President na makaiwas sa gulo ang Amerika.
Nitong weekend, nauna ng ibinunyag ng isang senior US official na nagkaroon ng pagkakataon ang Israeli forces na paslangin ang supreme leader ng Iran.
Kaugnay nito, nakipag-ugnayan aniya ang US sa Israel at sinabing tutol si Trump sa naturang plano dahilan kayat hindi na ito itinuloy.
Aniya, pursigido si Trump na mapahupa ang tensiyon, maging maingat sa pakikialam sa panibagong giyera sa Gitnang Silangan at nakikiramdam sa “changing politics” ng kaniyang partido.
Subalit ayon sa tagapagsalita ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, “fake” news o walang katotohanan ang mga ulat hinggil sa pagtutol umano ni Trump sa plano ng Israel.
Nauna na ngang itinanggi ni Trump ang pagkakasangkot ng Amerika sa pag-atake sa Iran subalit posible aniya na ma-involve sila pero hindi sa ngayon.