Nadagdagan pa ang bilang ng mga taong lumabag sa umiiral na gun ban habang papalapit ang halalan ngayong taon, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Base sa datos ng PNP, lumabas na umakyat na sa 973 katao ang lumabag sa gun ban.
Sa naturang bilang 318 offenders ang naitala sa National Capital Region, na sinundan ng Central Visayas na may 118 at Central Luzon na may 116.
Sinabi ng PNP na sa 937 sa mga inarestong violators ay pawang mga civilian, walo ang police personnel, pito ang military personnel, at 13 ang security guards.
Nakuha mula sa mga violators ang 749 firearms, 4,708 piraso ng mga bala, at 336 na deadly weapons sa 855 police operations na inilunsad
Base sa Resolution 10728 ng Commission on Elections, ipinagbabawal ang pagdala o kahit ang pag-transport ng mga baril at iba pang nakakamatay na armas sa labas ng bahay at sa lahat ng mga pampublikong lugar mula Enero 9 hanggang Hunyo 8.
Pero hindi sakop dito ang mga law enforcers basta mayroon lamang silang authorization mula sa Comelec at dapat ay suot nila ang kanilang uniporme kapag bitbit ang kanilang baril habang nasa official duty sa kasagsagan ng election period.
Ang mga lalabag dito ay maaring makulong ng hindi bababa sa isang taon pero hindi naman lalagpas sa anim na taon.
Maari ring pagbawalan sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno at tanggalan ng karapatan na makaboto, at hindi na rin makakakuha pa ng lisensya ng baril ang sinumang mahahatulang guilty.










