Aabot na raw sa 90,000 face masks ang naipamahagi ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa mga healthcare workers at iba pang frontliners ng COVID-19.
Sa isang panayam sinabi ni TESDA director general Isidro Lapeña, bago pa ipinatupad ang quarantine ay nag-manufacture na ang kanilang tanggapan ng face masks bilang paghahanda sa posibleng paglala ng sitwasyon.
Agad daw naglabas ng direktiba ang opisyal sa lahat ng TESDA institutions na may dressmaking course nang mabatid ang demand sa face masks.
Pati face shield bilang personal protective equipment ay pinagawa rin daw nila sa mga institusyon.
Naipamahagi na raw ng tanggapan ang naturang bilang ng face masks sa front liners hanggang Mindanao.
Tiniyak naman ni Lapeña na sapat ang supply ng TESDA para makapag-produce pa ng maraming face masks, lalo na’t may ilang private partners daw silang nagpahayag ng pagtulong sa materyales.
Nagpaabot ng pagsaludo ang TESDA chief sa kanilang mga personnel na nagta-trabaho at gumagawa ng PPEs na pinaka-kailangan ngayon ng COVID-19 frontliners.