-- Advertisements --

Target ng Philippine Statistics Authority (PSA) na i-encode sa Philippine Identification System (Philsys) ang 9 milyong mahihirap na Pilipino sa loob ng isang taon upang tiyakin na matatanggap nila ang kung ano mang tulong mula sa pamahalaan.

Ang hakbang na ito ay bilang tulong na rin umano na mapabilis ang pagbibigay ng tulong na kinakailangan ng mahihirap na pamilya sa bansa.

Ayon kay Dennis Engina, registration team leader, nais umano ng gobyerno na gawing prayoridad ang mga pamilyang matinding nangangailangan ng tulong lalo na’t may pandemic na hinaharap ang Pilipinas.

Magsisimula ang pre-pregistration sa Metro Manila at iba pang parte ng bansa sa first quarter ng 2021.

Nagtakda na rin ang national government ng P27.8 billion budget para sa national ID system sa pagnanais na i-register ang 92 milyong Pilipino sa taong 2022.

Bago ito ay nagbabala na ang Makabayan bloc na hindi malayong gamitin ang national ID system laban sa mga kritiko ng kasalukuyang administrasyon.

Para naman sa Philippine National Police (PNP), walang dapat ikatakot sa nasabing ID system kung wala namang tinatago ang isang indibidwal.

Kahapon lamang nang simulan ng ahensya na kolektahin ang ilang personal information ng mga mahihirap na pamilya mula sa 30 probinsya na gagamitin sa pre-pregistration ng Philsys.