CENTRAL MINDANAO- Hinuli ng pulisya ang siyam katao na nagtotong-its sa lamay ng patay sa probinsya ng Cotabato.
Ang mga suspek ay mga residente ng Brgy Poblacion Tulunan North Cotabato.
Ayon kay Tulunan Chief of Police,Major Jun Napat na tumanggap sila ng impormasyon sa mga nagtotong-its sa lamay ng patay sa Brgy Poblacion sa bayan ng Tulunan na may pusta (bet money).
Agad itong pinuntahan ng mga pulis at inaresto ang mga naglalaro ng tong-its.
Narekober ng mga otoridad ang baraha at pustang pera (bet money) na nagkakahalaga ng mahigit isang P1,000.
Dagdag ni Napat na umiiral ngayon ang enhanced community quarantine, tanging mga malalapit na kamag-anak lamang ang maaaring dumalo o bumisita sa isang lamay upang maipatupad ang physical distancing.
Matatandaan na noong nakalipas na linggo ni-raid ng mga pulis sa pangunguna ni Mayor Pep Limbungan ang mga nagsasabong sa isang liblib na barangay sa bayan ng Tulunan.
Sinampahan na ng kaso ang siyam na naaresto na may kinalaman sa anti-gambling law.